15 June 2014

Blank Kong Isip

Hawak ang telepono habang nakahiga
Nag-iisip nang pwedeng maipapaksa
Sa utak sinasala ang bawat salita
Upang ang nasa kabilang linya'y di maapura

Habang ang kamay ay nakaabang
Pagitan ng dal'wang mata'y sumasakit
Pilit nilalagyan ng laman ang bawat puwang
Umaasang mayroong makakamit

Tinakluban ako ng kabobohan
Napakainit tumira sa pagitan ng mga pahina
Ako'y ibinangon ng katamaran
Ngayo'y presko na ang aking nadarama

Maraming bagay akong naiisip
Parang isang punong hitik sa bunga
Pero ang pagsasalita'y sinisipsip
Kabulokan ang lumalabas sa bunganga



18 February 2014

Magkaiba

Magkaiba ang ayaw,
sa wala.
Ayaw matulog,
sa walang tulog.
Ayaw kumain,
sa walang makain.
Ayaw umibig,
sa walang iniibig.
Ayawan ang mga bagay na nandiyan,
hindi yung nawala.

Magkaiba ang nais,
sa pangangailangan.
Nais kumanta,
sa kelangang kumanta.
Nais umutot,
sa kelangang umutot.
Nais magpakatao,
sa gustong magpakatao.
Ang mga nais mong bagay
ay makakapaghihintay.

Magkaiba ang gusto,
sa napilitan lang.
Gustong mag-aral, 
sa napipilitang mag-aral.
Gustong maglasing,
sa napipilitang maglasing.
Gustong tumawa,
sa napipilitang tumawa.
Gawin ang bagay ayon sa iyong kagustohan,
hindi dahil napipilitan ka lang.