29 October 2013

Para Sa'n Pa?

Para sa'n pa ang pagbuklat ng aklat kung mananatili paring salat?
Walang silbi ang mga sulat kung lilinlangin lang ang lahat.
Paniniwalaan pa ba ang bawat ulat?
Huwag ipagdamot ang pagiging tapat.

Hindi porke't tugma ang mga salita ay tama na.
Pasakalye, bola at inililigaw lang pala.
Idinadaan sa magandang pagsasalita.
Wala namang tamang ginagawa.

Para sa'n pa ang pagbubuhat ng sariling bangko?
Kung ang mga pangako nama'y puro napako.
Walang silbi ang iyong pagiging mabango.
Dahil lahat tayo'y may bahong itinatago.

Huwag ipagdamot ang pagiging tapat.
Sa mga pader ay ating isusulat.
Sa mundo ay ating isasambulat.
Na iisa lang tayong lahat!

20 October 2013

Palihim

Itinatago ang bawat salita upang hindi marinig ng iba.
Tunay na nangyayari ay ikinukubli sa madla upang di mapahiya.
Kung pwede lang sana na nakapiring ang kanilang mga mata.
Malaya na sanang makakapaglakad sa gitna ng kalsada.

Magkukunwari na lang na walang alam sa nagaganap.
Ipagpapalagay na lang na walang silbi ang mangarap.
Ipapatangay na lang sa hangin ang mga sasabihin.
Maipagpatuloy lamang ang mga pagkikitang palihim.

Palihim na sumasayaw sa saliw ng musika na sa isip lang gumagana.
Kinakanta ang bawat himig na palihim ring naglalakad sa tenga.
Sa bawat letra ng paboritong kanta ay bumabalik ang nagdaan.
Maaaring ang pakiramdam ay naglaho na ngunit nananatili parin ang alaala.



15 October 2013

Swerte

Labing-isa. Apat. Siyam.
Pinipindot ang numero.
Upang makakain ang payaso.

Labing-isa. Apat. Siyam.

Babango't didiligan ang pananim.
Inihain ay kakainin.

Labing-isa. Apat. Siyam.

Kape ang hinahanap.
Asukal ay di mahagilap.

Labing-isa. Apat. Siyam.

Tatlong pusa ay aaliwin.
Isang taong ansarap sapakin.

Labing-isa. Apat. Siyam.

Kayamana'y madaragdagan.
Habang isa'y nag-aabang.

Labing-isa. Apat. Siyam.
Titiisin ang di tanggap.
Para sa konting pangarap.